Isang nakakagulat na rebelasyon ang tumambad sa netizens at mga tagasubaybay ng Youtube influencer na si Zeinab Harake, nang isiwalat nito ang mga di umano’y rason ng hiwalayan nila ng rapper na si Daryl Ruiz o Skusta Clee.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita na si Zeinab sa latest Youtube vlog ni Toni Gonzaga na Toni Talks, nito lamang May 8, 2022, patungkol sa mga sunod-sunod na isyung kinakaharap nito sa kanyang buhay.

Sa umpisa palang ng panayam, sinabi ni Zeinab na nagkatotoo na umano ang mga sinasabi ng karamihan noon sa kanya na ‘future single mom’.

Makikita rin na kaagad bumuhos ang matinding emosyon nito, lalo na nang isiwalat niya ang di umano’y mga panlolokong ginawa sa kanya ni Skusta habang siya ay nagdadalang tao sa ikalawa nila sanang anak.

Matatandaan na laman ng headlines kamakailan ang nangyaring miscarriage nito sa kanyang Baby Moon na napansin naman ng netizens na missing in action si Skusta. Ito ay dahil malaki na umano ang naging problema nila pagpasok pa lamang ng bagong taon.

“Nawala si Moon, wala na kami ‘nung tatay habang buntis ako. Nakunan ako, nagburol ako ng baby ko, nilibing ‘yung baby ko, mag-isa lang lahat ako.”

Umiiyak na pahayag ng vlogger.

Nito lamang buwan ng Marso, nang tumindi umano ang mga pangyayari sa kanilang relasyon.

“March, doon na talaga na parang lagi niya na akong iniiwan. Talagang dumadating sa point na nagmamakaawa ako sa kaniya. Alam niyang buntis ako kay Moon, inaaway niya ako nang hindi ko alam kung bakit, ‘yun pala may something ng nangyayare.”

Bago umano sila magkahiwalay, maraming beses na nitong pinatawad si Skusta at pilit na inaayos ang kanilang pamilya kahit pa umalis na si Skusta sa tinitirahan ni Zeinab. Subalit, nahuli niya mismo ang di umano’y pambababae ni Skusta.

“Naiwan ako sa bahay, ‘dun ko nahuli sa laptop. Nakita ko, binuksan ko ‘yung laptop. Sakto na ‘yung laptop nasa message. Nagde-delete siya sa phone niya, nandodoon siya lahat [sa laptop]. Hindi ko naman nabasa lahat. Ang nabasa ko ‘yung sa bugaw tapos, ‘yung ‘dun sa isang girl na inaaya niya. Pero hindi ‘yun ‘yung worst ,e. Nagkapatawaran pa kami after ‘nun kasi akala ko ayun lang, hindi pala.”

Pagsisiwalat ng vlogger.

Matapos nito, agaw-pansin naman sa netizens ang deleted Instagram story ni Zeinab kasama ang isang lalake, kung saan naglabas ito ng sama ng loob dahil tila may kinalaman ito sa isiniwalat niyang naganap na “pambubugaw”.

“Shoutout sa friend kuno ko na bugaw. Support naman kami sa mga palakad mo, nakakaloka lang si Daryl pa ang naging fav customer mo. Kano cut? Doblehin ko na. Kilala ko kayo lahat at iisa isahin ko kayo lahat mag kikita pa tayo sa finals. Damay damay ‘toh ha. Di ko alam matatawag pa ba kayong tao sa mga kababuyan at kasamaan niyo. Buhay ng mga bata nasira dito. Basta alam mo/niyo na kayo dahilan bakit nasira yung pamilyang binuo ko ng sobra. So, thank you.”

Saad ni Zeinab sa kanyang caption.

Naungkat rin ng netizens ang naging pagbati sa kaarawan ni Bia ng di umano’y bugaw na tinutukoy ni Zeinab, kung saan makikitang nirepost nito ang Facebook post ni Skusta patungkol sa birthday ng kanyang anak. Subalit mas napukaw ang atensyon ng netizens sa naging kumento ni Zeinab.

Samantala, agaw atensyon rin ang tila cryptic post ng “Pambansang Marites” na si Xian Gaza, ilang oras matapos ang pagsisiwalat ni Zeinab.

Gayunpaman, wala pa namang pahayag ang panig ni Skusta Clee sa mga pagsisiwalat na ito patungkol sa kaniya. Subalit, kamakailan lang rin ay naging agaw atensyon ito matapos niyang palitan ang lyrics ng kantang ‘Zebbiana’ na ginawa nito noon para kay Zeinab. Kaya’t ayon sa netizens na di umano’y tila iyon na rin ang naging paraan ng pagkumpirma niya sa hiwalayan nila ng vlogger.

Ano ang opinyon mo sa mga rebelasyon at naging pahayag ni Zeinab Harake?

Leave a Reply

Your email address will not be published.