Naging hot topic noon sa showbiz at sa social media, ang nakakagulat na balitang pagiging “batang ama” ng dancer at dating child actor na si Bugoy Cariño.

Matatandaang samo’t-saring akusasyon at kontrobersya ang kinaharap nito magmula nang lumantad ang balitang nagdadalantao ang kanyang 21-year-old girlfriend na isang volleyball star player na si EJ Laure.

Naging malaking isyu nga ito noon dahil sanay lamang ang mga taong nakikita siya bilang isang batang aktor. Kung saan nagsimula ang kanyang kasikatan nang itanghal na winner sa Star Circle Kid Quest, noong 2009.

Nang magbinata ay napabilang rin ito sa grupong Hashtags, bilang isang young teen heartthrob.

Subalit, biglang nahinto ang pamamayagpag ng karera ni Bugoy taong 2017. Dahil sa murang edad na 16 taong gulang ay naging ama na ito. Parehong itinanggi noon nina EJ at Bugoy ang pagkakaroon ng anak ngunit sa mismong ika-18 kaarawan ni Bugoy ay inilantad nila na sila ay ganap ng magulang sa anak na si Scarlet Cariño.

Sa unang pagkakataon, binalikan at ikinwento ni Bugoy sa Father’s Day special episode ng Youtube vlog ng journalist na si Karen Davila, ang mga matinding pinagdaanan niya at kung papaano niya hinarap ang pagiging isang batang ama.

Aminado si Bugoy na mas naging mahirap ang pagiging ama sa kanya lalo na’t menor de edad lamang siya noon. Kaya naman inamin rin nito na naisipan umano nila ni EJ na ipa-abort ang kanilang anak.

“Una po talaga ang desisyon namin is ipalaglag na lang ‘yung baby. Bata pa po ako ‘nun, e. Hindi ko po alam na parang buhay pala ‘yung mawawala kapag ipinalaglag mo or something.”

Naisip ito ni Bugoy para umano maibalik ang career niya noon at para na rin makatulong sa kanyang pamilya. Subalit, mayroon umanong nakapagpabago ng kanyang desisyon.

“Mga one week na nakapag-isip-isip po ako kasi nagsi-search po ako sa cellphone na, ‘ano ba mangyayari kung ipapalaglag? Kung buhay ba talaga siya sa loob ng tiyan.’ Sabi ko, ‘Ay, baby na siya, tao na. Kapag ipinalaglag ko pala ito, parang ito ‘yung isa sa pinakamalaking kasalanan na magagawa ko sa buhay ko.'”

Sa murang edad, natutunan umano ni Bugoy na akuin ng lubusan ang responsibilidad bilang isang ama sa kabila ng matinding pressure sa paligid. At sa pag-uusap ni Bugoy at ng kanyang ama, lalong napatunayan nito na tama ang kanyang desisyon.

“Yung papa ko, at that time nasa Saudi siya. Vinideo call ko po yung papa ko. ‘Pa, sorry napaaga, pa.’ Sabi niya, ‘Bunso, kapag iyan, ipinalaglag mo ‘yung bata, huwag mo na ako tawaging tatay. Kalimutan mo nang tatay mo ako.’

Pahayag umano ng kanyang ama.

Sa kabilang banda, napag-desisyonan umano ng magkasintahan na huwag ipalaglag ang bata, kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang mga career.

Nanindigan ang mga itong palakihin si Scarlet, kahit pa hindi umano maitatanggi noon na galit na galit ang buong pamilya ng nobya ni Bugoy. Imbes na panghinaan ng loob, nagbitaw ng pangako si Bugoy.

“Tinanggap ko, kinain ko po lahat ng mga sinabi nila. Kasi sabi ko po sa sarili ko, pagdating ng panahon, na yung galit niyo, mapapalitan ng proud. Kasi ginawa ko naman nang tama ‘yung part ko as pagiging tatay kahit maaga akong nagkaanak.”

Noong araw na isinilang si Scarlet, tila napawi umano lahat ng pahihirap ni Bugoy at napalitan ng kasiyahan.

“Okay na ako, panibagong buhay na, lahat ng mga negative, wala na, panibagong chapter. Sobrang saya ko talaga. Ang sarap pala pag inuuna mo ‘yung family mo. Lahat ng mga nawala sa akin, si Scarlet ‘yung bumalik, sobra pa.”

Saad nito.

Ano ang mensahe mo sa mga naging pahayag ni Bugoy Cariño?

Leave a Reply

Your email address will not be published.