Isang makabagbag-damdaming karanasan ang ibinahagi sa isang panayam ng noo’y 2nd Runner-up ng Mr. Pogi segment ng Eat Bulaga, taong 2002 at dating matinee idol na si Andrew Schimmer, kung papaano nito hinaharap ang paghihirap ng kanilang pamilya.

Sa latest Youtube vlog ng batikang talent manager na si Ogie Diaz nito lamang August 4, 2022, nakapanayam nito si Andrew kung saan naikwento nito ang mabigat na dagok na dinaranas ngayon sa buhay.

Hindi lingid sa kanyang mga tagasubaybay sa social media na ang kanyang napakagandang asawang si Jorhomy “Jho” Rovero ay nakaratay ngayon sa banig ng karamdaman magmula pa noong November 1, 2021. Ito ay nang tamaan si Jho ng severe asthma attack na nagdulot ng cardiac arrest at hypoxemia, kung saan nangyayari ito dahil sa kakulangan ng sapat na oxygen sa utak ng tao.

Matatandaang ilang beses ng nag-trending sa social media ang mga video ni Andrew habang ipinapakita ang routine sa pag-aasikaso nito sa kanyang asawa kasama ang dalawang anak na 15 at 8 taong gulang.

Ayon kay Andrew, ginagawa niya umano ang mga Tiktok videos na iyon dahil ito na umano ang hilig gawin noon ni Jho at sa pamamagitan nito ay kinapupulutan rin ng inspirasyon ng ilang netizens ang katatagang ipinapakita ni Andrew.

Sa mahal umano ng mga gastusin at nakakapagod na routine nito sa araw-araw, hindi umano siya susuko hanggat nararamdaman niyang lumalaban ang kanyang asawa.

Aniya,

“Hindi ako pwedeng huminto. I need to push through. Pag mahal mo ang tao tapos nasa ganu’n siyang sitwasyon, ‘yun ‘yung mararamdaman mo. Siguro mahirap lang siya ipaliwanag. Pero, hindi ko siya pwedeng pabayaan. Hindi ako pwedeng matulog, hindi ako pwedeng umupo nang naka-relax ako, (dahil) hindi ko alam kung okay ba siya o hindi. Maybe that’s love, Maybe I love her that much.”

Emosyonal na pahayag ni Andrew.

Sobrang sakit umano para sa aktor na makita sa ganoong kalagayan ang kanyang itinuring na bestfriend at pinakamamahal na asawa.

“Ang nararamdaman ko unfair na okay ako, siya ganu’n. Kaya kahit minsan hindi kaya, tinatawid ko. Dinadasal ko lang na bigyan niya ako ng lakas. ‘Wag niyang hayaang bumigay ‘yung katawan ko kasi, kailangan ako nung tao.”

Lumuluhang pagbabahagi nito.

Sa kabila umano ng nararanasan nilang hirap at pagsubok, pilit umano ni Andrew na pinapalakas ang loob ng kanyang mga anak dahil nais nitong maramdaman ng mga bata na may pag-asa.

“Yun din itinuturo ko sa mga bata, i-survive natin today, ang make the most of everything today. Natututo sila. They’re living each day as if it’s their last day. Natutuwa din ako.”

Saad nito.

Ayon pa kay Andrew, minsan ay nararamdaman din umano ng kanyang asawa kapag hindi siya okay. Kaya’t nagdudulot ito kay Jho ng anxiety at panginginig.

“Ayaw kong mapanghinaan ng loob, kasi pag nakikita ko siyang ganu’n nadudurog ‘yung puso ko.”

Sa kabilang banda, laking pasasalamat umano ni Andrew dahil simula ng mag-post siya sa social media ng Gcash number ng kanyang asawa ay marami ang mga netizens na nagpapaabot ng pinansyal na tulong. Sa halagang 10, 50 hanggang P1,000 umano ay malaking tulong na umano sa isang araw na medication ng kanyang asawa kapag nalikom. Ganu’n din sa mga malalapit niyang kaibigan at pamilyang tumutulong sa kanila sa kabila ng pandemya. Naniniwala rin ang aktor na may rason kung bakit ito nangyayari sa kanila.

Ano ang mensahe mo sa pagsubok na pinagdaraanan ngayon ng pamilya ni Andrew Schimmer?

Leave a Reply

Your email address will not be published.