Pumanaw na ang babaeng palaboy sa viral “free hug” video at photo na si Melanie Dubos.

Matatandaang nag-trending sa social media nito lamang Abril ang nakakaantig na engkwentro matapos nitong bigyan ng free hug ang ABS-CBN reporter na si Larize “Izzy” Lee sa kalagitnaan ng kanyang live report.

Kaagad itong kumalat sa internet at umani ng kabilaang komento’t reaksyon na ikinatuwa ng maraming netizens. Dahil sa pambihirang pangyayari, ito nga ang naging daan kaya’t nahanap at nagkasamang muli si Melanie at ang kapatid nitong si Mona Dubos na natunton naman sa Muntinlupa City.

Hindi lingid sa nakararami ang naging kondisyon ni Melanie sa pag-iisip kaya’t dinala ito sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City para magpagamot. Subalit sa kasamaang palad, binawian ito ng buhay nito lamang Sabado, July 2, 2022.

Ayon sa pag-uulat ng reporter na si Larize, habang nasa NCMH umano ay nagkaroon ng Pulmonya si Melanie, kaya’t kaagad itong dinala sa ibang ospital, subalit hindi na rin nito nakayanan kaya’t binawiaan na ng buhay. Mula sa NCMH, dinala umano ang mga labi nito sa Muntinlupa matapos mag-negatibo sa COVID-19 test.

Dahil sa biglaang pangyayari, matinding panlulumo ang naramdaman ng pamilya ni Melanie nang matanggap ang masamang balita. Dahil hindi pa handa ang mga ito lalo na’t maikling panahon pa lang nang muling magkasama ang magkapatid.

Ayon pa kay Mona, tila nakukulangan umano siya sa naging serbisyo ng naturang psychiatric hospital.

“Hindi naman po nila sinasabi kung ano na ba ang Pneumonia nung ate ko, kung grabe na ba o ano. Wala po silang update po. Kaya parang nakukulangan ako sa serbisyo nila. Twice lang po sila nakapag-text sa akin Ma’am. Tapos biglang magtawag, mag-text na wala na, wala na ‘yung ate ko.”

Hinaing ni Mona.

Labis rin ang pagdadalamhati ng ina ni Melani na si Aida Dubos, dahil lumuwas pa ito pa-Maynila mula Sultan Kudarat para mabisita ang anak na may sakit, ngunit dahil sa protocol ay bigo niyang masilayan ang anak.

“Grabe, sobrang nanginginig talaga ang katawan ko. Hindi ko alam anong gagawin ko, Ma’am. Sobrang sakit po. Ni hindi ko man lang siya nakita nang personal.”

Emosyonal na pahayag ng ina ni Melanie.

Samantala, isa lang ang kahilingan ngayon ng mag-anak na sana umano ay maiuwi ang mga labi ni Melanie sa Sultan Kudarat kung saan sila nakatira at doon ilibing. Pero problemado umano sila kung saan kukunin ang panggastos kaya’t umapela ang ina at kapatid ni Melanie ng tulong.

Kaagad naman umanong nakipag-ugnayan ang reporter na si Larize sa pamunoan ng Philippine Air Force na nangako naman umanong tutulong para maiuwi si Melanie sa kanyang pamilya sa Mindanao. Dahil kung sakaling maiuwi, ito ang kauna-unahang pagkakataong muling makikita ng mga kapamilya sa Sultan Kudarat si Melanie.

Ano ang mensahe mo sa mabigat na pinagdaraanan ngayon ng pamilya ni Melanie Dubos?

Leave a Reply

Your email address will not be published.